Yakult

Tuwing bibili kami ng yakult, di na toh inaabot ng kinabukasan. Parang dumadaan lang sya sa ref namin at lalamunan tapos ubos na! Pero itong nakaraan, yung last piece eh inabot pa ng ilang araw sa ref namin. Kanina habang naglalaro kami ng monopoly deal naalala ni Mark ang nag-iisang yakult sa ref. Bakit daw di ko pa iniinom? Ang sabi ko naman tinira ko talaga yun para sa kanya. Yun pala yun din ang nasa isip nya. Hindi nya ginagalaw yun dahil tinitira nya para sakin. Hindi matapos-tapos ang usapan namin kung sino ang iinom ng huling yakult. Hanggang sa nagtanong na sya kung bakit ayoko inumin. Ito ang sagot ko, “Gusto ko naman pero pinagpapasensya ko nalang sayo kasi mahal kita….” (BOOM PANES!) Wala akong kamalayan na yun din pala ang saloobin nya! Dahil sa hindi matapos-tapos ang usapan namin kung sinong iinom ng yakult, nagkasundo nalang kami na kung sino ang manalo sa laro, sya ang iinom ng yakult.

Kung sinong matalo, siya ang iinom ng Yakult.

Ang cheesy ba? Hindi naman. Para kasi sakin ito ang tunay na pag-ibig. Laging pabigay at hindi pakabig… SELFLESS. Hindi madamot, hindi magulang at hindi sakim. Kumbaga sa popsicle (mongo flavor), sa kanya lahat ng mongo, sayo ang tangkay. Sa jollibee chicken joy, sa kanya ang thigh part, sayo ang breast part. Sa seating arrangement sa eroplano, sya sa bintana, ikaw sa aisle. Sa bigas, sa kanya ang jasponica, sayo NFA. Sa fruit salad, sa kanya lahat ng fruits, sayo pasas. Exaggerated ba? Hindi naman. Kasi when you truly love someone you give your BEST! Sukdulang maging kulay ube ka sa lamig dahil pinagpaubaya mo ang jacket mo, wag lang syang lamigin. Ikaw na ang may mala-rice-terraces na eyebugs dahil sa puyat, makatulog lang sya ng mahimbing. Ang mga salawal nya bago at masarap suotin, sayo wala ng garter new-wave pa! Ganun ang pag-ibig eh! Magsasakripisyo. Magtitiis. Lahat yun ginagawa ng may ligaya sa puso at walang paghihimutok. Ang ganitong reaksyon ay natural na lumalabas pag tunay ang pagmamahal mo sa isang tao. Hindi pilit, hindi out of responsibilty.

Nakakatuwa lang isipin na sa paglipas ng panahon mas lalong lumalalim at tumitindi ang pagmamahalan naming mag-asawa. Nasusubok ito sa araw-araw na mga pangyayari sa aming buhay…nasusubok ultimo sa paginom ng paborito naming yakult.

Sya nga pala, natalo ako sa laro kaya si Mark ang iinom ng yakult…

Pero dahil nga sa mahal na mahal nya ko, ako parin ang sumentensya sa huling yakult na paborito namin. ?

Ikaw? Ibibigay mo ba ang huling yakult mo?

img_2964-0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *