Sabi Niya, Sabi Ko

Sabi nya ang pagbibigay ng flowers pag valentines ay di na uso, sabi ko naman sa babae palaging uso ang pagbibigay ng flowers kahit hindi valentines. Sabi nya ‘okay’, ako naman marami pang sinasabi!

Madalas , sa halos lahat ng pagkakataon, magkaibang-magkaiba kami ng sinasabi. Bakit? Kasi lalaki sya at babae ako, iba ang pamilyang kinalakihan nya, iba rin ako. Magkaiba kami ng kulturang tinangkilik at may mga kanya-kanya kaming pananaw na pinaghawakan bago pa man kami maging isa. Kaya di nako magtataka kung bakit gusto nya ng pizza at ako naman ay isaw. Ang toothpaste nya’y colgate triple action, ako naman ay happee na naka-sachet. Gusto nya ang tubig na iniinom ay nasa pitsel ako naman ay nasa bote ng coke o kahit anung plastic bottle. Yan at marami pang iba na pagkakaiba. Mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaking pagkakaiba ay maaaring maging sanhi ng tampuhan at away na sadyang nakakaloka.

Kung titignan natin parang nakakalurkey na mag-adjust ng mag-adjust at magpaliwanag ng walang humpay over little or big issues. Pakiramdam mo minsan, para kang salawal na walang garter; o di kaya’y sinaing na kulang sa tubig. Parang bagang na walang ipin. Ulong paubos na ang buhok. Inidorong walang flush. Yan ang pakiramdam, nakakapanlambot, nakakatuyo, nakakapagod, nakakapanot at nakakaumay.

Sa kabilang banda, nagpapasalamat ako sa Dios at magkaiba kami. Saan ka nakakita ng tsinelas na parehong kaliwa? Madali bang kumain ng parehong tinidor? Gaganda ba ang buhok mo kung puro shampoo lang at walang conditioner? Oo magkaiba kami pero iisa ang direskyon, layunin at tinitibok ng puso namin. Kung pareho kaming malakas sa isang bagay, magbabangga kami, kung pareho naman kaming mahina, babagsak kami. Ang galing magpares ng Dios. Ipinares nya ko sa lalaking magaling mag-english! Alam Nyang kahit english major ako, mas effective ako kung mala-bob ong ako magsalita! Mapalad din naman ang kabiyak ko na ipinares sya ng Dios sa babaeng kayang pumatay ng ipis, dumampot ng patay na daga at kayang magtapon ng basurang inuuod nang di nagsusuka. Sa mga pagkakatong mahina ako, ang kabiyak ko ang namamayagpag. Sa panahong sya naman ang mahina, ako naman ang nagmamaganda! Pag pareho kaming mahina, dun lumalabas ang lakas at galing ng Dios namin, for His strength is made perfect for our weaknesses! (2 Cor. 12:9) Kaya naman bagamat sangkatutak ang pinagkaiba ko sa kanya at sya sakin, at the end of the day nakukuha naming magkasundo at magpatuloy bilang mag-asawa. Ang galing diba? Magic? Hindi! — dahil iyon sa biyaya ng Panginoon. Ang aming dakilang ka-love triangle.

Sa nakaraang walong buwan ng aming pagsasama bilang mag-asawa, marami akong natutunan sa buhay at natuklasan sa sarili ko. Mga lessons na di ko natutunan sa school, sa kapitbahay, sa tv o kahit saan pa. Hindi ako pala-away na tao, kilala ako ng mga kaibigan ko na friendly, loving, humorous, understanding, forgiving, atbp. Ngunit nang ako’y mag-asawa, may tendency palang manabunot ako pag inis na inis na ko (buti nalang at kalbo ang asawa ko). Sa larong boxing, pag walang rules siguradong sinapak ka na ng kalaban kahit saan nya gusto sa kahit anung paraan na feel nya! kaya paglabas mo ng ring maaaring malamig na bangkay ka na. Mabuti nalang at may mga rules, dahil dyan after ng laban, buhay ka pa, may pagkakataon ka pang itama ang mga sablay mong diskarte. Matapos ang mainit na suntukan, magkakamay at magyayakapan ang magkalaban. Sa mag-asawa, hindi maiiwasan ang away, pero maiiwasan ang sapakan. May mga alituntunin akong itinakda sa sarili ko upang ang aming mga pag-aaway ay maging malusog at magdulot parin ng kabutihan sa amin bilang isang indibiduwal at bilang mag-asawa.

1. WALANG SUMBUNGAN SA MGA NANAY.

Natutunan kong huwag maghanap ng kakampi para ipamukha sa asawa kong mali sya at ako ang tama. Bilang asawang babae, tungkulin kong protektahan parin ang asawa ko kahit sa sarili naming mga magulang. Hindi dapat namin sinasali ang aming mga nanay sa aming away. Kaming dalawa ang nasa ring, di kami pwedeng maghatak ng isa sa mga audience.

2. MAY MEMORY GAP KA DAPAT.

Kung hindi ka naman history major, hindi mo dapat ibinibalik pa ang mga nakaraang pagkakamali at pagkukulang nya. Kung nalutas na namin ang Math Problem #1, dapat na kaming mag-move on sa #2. Ibang issue, ibang usapan, ibang kasunduan at ibang solusyon. Hindi makakatulong kung paulit-ulit kong binabalik ang mga offenses nya. Ano ko unli? LOVE does not keep record of wrongs (1 Cor. 13) huwag ng itago sa puso ang mga nakaraang pagkakamali, ilista nalang ang lahat ng ito sa sabaw. Kumain ka paminsan ng pork para makalimot ka sa mga bagay na dapat ng kalimutan.

3. MAGBILANG NG 1-1000.

Sambitin ang lahat ng naalala mong table of elements sa periodic table kapag gigil na gigil ka na. Pag galit na galit ka pa din, i-enumerate mo ang lahat ng regions sa Pilipinas at ang mga probinsya/lalawigang nasa ilalim nito. Kung tingin mo makakapagsalita ka parin ng sagad hanggang buto, bigkasin mo ang lahat ng books sa bible mula old hanggang new testament! Tignan ko nalang kung makapagmura ka pa! Try mo ding magalit in English minsan (siguraduhing tama ang mga tenses, grammar at spelling!) Prevention is better than cure. Mas mainam nang di ka nakapagsalita ng mga salitang susugat sa puso ng iyong kabiyak kaysa buong giliw mong sinabi ang lahat ng masasakit na salita na gusto mong sabihin sa kanya at pag bati na kayo bibigyan mo nalang sya ng isang dosenang gummamela at durian cake. Matagal maghilom ang mga sugat na dulot ng ating mga dila. Iwasang magsalita pag pulang-pula na ang tenga mo sa galit. Pag normal na ang blood pressure mo tska ka humarap sa asawa mo at makipagusap ng mahinahon. (Prov. 15:1 “A gentle answer turns away wrath, but a harsh word stirs up anger. “)

4. BAWAL MATULOG SA KUSINA.

Madalas, pag masama parin ang loob mo at oras na para matulog, napipilitan kang matulog sa ibang bahagi ng bahay dahil ayaw mo syang makatabi. Tila ba nais mong humimlay sa dining table, o kaya’y maglatag ng panyo sa garahe, wag ka lang mapatabi sa kanya. Unang-una di dapat tayo natutulog ng may kasamaan pa tayo ng loob. Hindi dapat natin pinalulubog ang araw bago magbati (Ephesians 4:26 “In your anger do not sin; do not let the sun go down while you are still angry..”) Sa aming mag-asawa, minsan nagkakabati kami pag nagkakadikit na ang aming mga siko. Nagsisimula na kaming magusap ng mahinahon at ng may pagpapakumbaba kapag magkatabi na kami sa aming silid. Dibale nang mapuyat kami kaysa matulog ng magkagalit. Kaya naman tuwing may tampuhan at away kami, alam naming at the end of the day magkakamayan kami, magyayakapan at bati kaming matutulog.

5. PUMILI NG GODLY REFEREE.

I mean mainam at makakabuti sa atin na meron tayong spiritual mentors na aalalay, aawat (kung may matinding rambol) at gagabay sa atin lalo na kung ang iba sa ati’y nagsisimula pa lang sa buhay may asawa. We are blessed to have couples who stands as our spiritual mentors, some of them are our Ninong and Ninangs, Uncle and Aunties and Church Leaders.. Pero isa sa mga paborito naming mentor ay ang aming Lolo Mauro and Lola Becky Brion na kasama namin sa iisang bubong since December 2012. They’ve been in the full time ministry for almost 59 years! 59 years narin silang kasal. Lolo (Bishop Mauro Brion) is 81 yrs old, while Lola is turning 84 this coming March 10, 2013. They are full of wisdom. Punong-puno! kung macoconvert lang yun sa cash siguradong nabili na namin itong bahay na inuupahan namin! Talaga namang busog na busog kami sa mga pangaral nila. Mga pangaral na di lang namin nadidinig sa mga bibig nila kundi nakikita namin araw-araw sa kanilang mga buhay. Their lives and their love story is truly an inspiration for me and Mark. Nakikita namin ang aming mga sarili sa kanila. Growing old together, serving the LORD full time.

6. I HAVE DECIDED TO FOLLOW JESUS, NO TURNING BACK, NO TURNING BACK.

Linyang nabanggit ko sa aming wedding vows. Ang desisyon kong makipag-isang dibdib (kahit wala naman akong dibdib) kay Mark ay pagsunod ko rin sa kalooban at tawag sakin ng Panginoon bilang maging asawa ng pastor. Kaya naman, hinding hindi sumagi sa isip ko ang ‘hiwalayan’ kahit gaano pa kasidhi ang aming away. Alam kong marami pa kaming pagdadaanan na sigalot sa mga susunod pang taon hanggang sa kami’y tumanda, ngunit alam kong ang sumpaang aming sinambit 8 months ago sa harap ng Dios ay pang-habang buhay. Ito’y commitment namin sa isat-isa, sa aming mga pamilya at higit sa lahat sa Dios na Syang may akda ng aming love story.

Dahil sa walong buwan palang kaming nagsasama bilang mag-asawa, alam kong madadagdagan pa itong mga alituntunin na inilista ko. Excited ako sa mga susunod na yugto ng aming pagsasama bilang magasawa. Sapat ang pag-ibig at biyaya ng Panginoon para kami ay makapamuhay ng nagpapasakop hindi sa sabi nya (Mckoi) or sa sabi ko, kundi sa kung ano ang sabi NYA.

Sa lalaking walang mintis na nakakapagpatibok ng puso ko magkagalit man tayo o hindi.. Happy Valentines Day! I love you..pakiss! ?

#MgaSaloobinNgayongArawNgMgaPuso

February 14, 2013

mg_2409-desktop-resolution

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *