Pinoy Trademarks

Pinoy, pinoy, pinoy! Ang Pinoy ay mananatiling Pinoy. Mapunta man sya sa Hong Kong, Dubai, Amerika, Canada, Iraq at kung saan-saan pa, mananatili syang Pinoy. Kahit sino ang kasama nya, anuman ang kasuotan at porma nya, anuman ang tatak ng kanyang pabango, anuman ang kanyang kinakain, mananatili syang Pinoy. Ngunit pano mo malalaman kung sya’y talagang Pinoy? Nagkalat ang mga Pinoy sa kung saan-saang lupalop ng daigdig at dahil dito nais nais nating tignan ng mabuti at obserbahan ang mga kilos at ugaling Pinoy. Magsimula tayo sa sarili nating bansa, sa Pilipinas; paano mo malalaman na ikaw o sya ay talagang Pinoy?

Pinoy ka kung…

1. Mukhang rice terraces ang plato mo dahil sa sangkatutak na pagkain na kinuha mo sa buffet table.
2. Gumagamit ka ng toothpaste, shampoo, conditioner, hair gel, lotion, kape, gatas at kung anu-anu pang produkto na de-sachet.
3. Ang tawag mo sa pambansang awit ng Pilipinas ay Bayang Magiliw.
4. Mahilig ka sa buy 1 take 1, eat all you can, 90% discount, free taste, free trial at kung anu-anu pang free.
5. Nahihiya kang kainin ang nag-iisang lumpia sa lamesa matapos kayong magkainan.
6. Lumilingon ka pag nakarinig ng tunog na “Pssssssst..”
7. Inuuwi mo ang mga give away sa hotel katulad ng sabon, shampoo, tsinelas, lotion, toothpaste, toothbrush, tuwalya at kung anu-anu pa.
8. Mahilig ka sa ukay-ukay at mga second hand na gamit.
9. Madalas mong sabihin ang come again, stand up, sit down, at fall in line.
10. Pamilyar ka at kinakain mo ang mga kakaibang pagkain katulad ng IUD (isaw o bituka ng manok at baboy), betamax (parisukat na hugis ng namuong dugo ng manok), tuknene (itlog ng pugo na nakabalot sa kulay kahel na harina), balot, 1 day old (maliit at sanggol na sisiw), helmet (ulo ng manok), adidas (paa ng manok) at kung anu-anu pang kakaibang pagkain sa kalsada.
11. Nagku-krus ka sa twing dumadaan sa Simbahang Katoliko.
12. Tinitignan mo ang sarili mo sa twing dumadaan ka sa mga salamin (halimbawa: salamin sa loob ng mall, salamin ng sasakyan, salamain sa loob ng restaurant at sa lahat pa ng bagay o lugar na pwede mong maaninag ang iyong sarili)
13. Ang tawag mo sa toothpaste ay colgate at safeguard kung ito’y sabon.
14. Nakaka-relate at tumatawa ka sa mga sinasabi ko, aba’y Pinoy ka nga!

Hindi pa sapat ang mga bagay na ito upang mapatunayang ikaw ay talagang Pinoy. Ang mga nabasang kilos at gawaing Pinoy ay panlabas lamang na manipestasyon ng pagiging Pinoy. Sa mga susunod na kabanata, mararamdaman mo na ang puso ng Pinoy at dahil dito malalaman mo kung ikaw nga’y isang tunay na Pinoy. Ngunit bago yun, kilalanin pa natin lalo ang Pinoy. Saan nga ba kilala ang Pinoy?

Kilala ang Pinoy sa pagiging..:

1. Masipag. Kaya nga nagkalat ang mga manggagawang Pinoy sa buong mundo sapagkat tayo’y hinahangaan sa taglay nating kasipagan. Doktor, Inhenyero, Kasambahay, Taga-pagalaga ng bata, Guro, Musikero, Nurse, Chef at kung anu-anu pang propesyon matatagpuan mo sa kung saan-saang bansa.
2. Magaling. Manny Pacquiao, Lea Salonga, Arnel Pineda, Efren Penaflorida, ilan lamang sa mga Pinoy na kilala sa buong daigdig sa kanilang angking galing. Sa lahat ng larangan masasabi kong top of the line ang Pinoy.
3. Mapagmahal. Sa Pilipinas, kinakalinga ang mga mga matatanda nating mga magulang, ang mga magkakapit-bahay ay nagpapalitan at nagbibigayan ng ulam, ang mga anak ay tumutulong at kumakalinga sa kanilang mga magulang kahit may sarili ng pamilya ito, ang mga magkakaklase ay nagkokopyahan at nagdadamayan pagdating ng pagsusulit. Mapagmahal tayo sa pamilya, kaibigan, katrabaho, kapitbahay, sa ating kapwa, yan ang Pinoy.
4. Malikhain. Ang mga plastic na bote ng softdrinks ginagawang tabo at paso, ang mga gulong na goma ginagawang pabigat na pamatong sa bubong ng bahay, ang mga sirang refrigerator ginagawang aparador, ang mga gamit na tansan ginagamit sa mga garden landscapes, ang mga lumang gomang tsinelas tinatahi at ginagawang doormat, ang mga lumang kumot tinatali sa puno at ginagawang duyan, at kung anu2x pa. Hindi matatawaran ang ideya at utak ng Pinoy!

Kung iisa-isahin ko ang mga magagandang katangiang Pinoy, hindi kakayanin ng baterya ng laptop ko ang sangkatutak na mga ideya ko sa mga Pinoy at dahil dyan, taas noo kong sinasabing PINOY AKO!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *