#Negamuch

Reklamo dito, pintas doon. Bulyaw dito, singhal doon! Sila ang mga NEGAMUCH. Mga taong utak nega, kaya ang bibig at kilos ay nega. Laging may nasasabing hindi maganda sa pagkain, sa damit ng iba, sa ugali ng boss, sa pamamalakad ng kumpanya at kung saan-saan pa! Ultimo pila ng mga langgam siguradong may negative comment pa sya! Mga taong ungrateful, hindi kuntento sa buhay, bitter.. ito ang mga taong tinguriang #NEGAMUCH.

Pero paano mo nga ba malalaman kung NEGAMUCH nga ang isang tao? Ito ang mga ebidensya:

1. INGGITERA/INGGITERO

Bakit sya ang kinis, ako ang gaspang? Bakit sya may iphone, ako cherrymobile? Bakit sya mayaman, ako dukha? Bakit sya maganda, ako feeling maganda lang? Bakit sya naka-kotse, ako naka-pedicab lang?  Bakit sya promoted agad, ako nganga parin? Bakit ganito? Bakit ganun? Hindi matapos-tapos na bakit! Lahat kina-iinggitan! Walang kapaguran sa pagkukumpara ng sarili nya sa iba. Hindi titigil hangga’t di na-aachieve ang inaasam-asam na kagandahan, katalinuhan, kayamanan, kasikatan at kung anu-anu pang KA! Gusto laging mas angat sa iba sa lahat ng larangan! Kala mo laging nakikipag-karera at nakikipag-kumpitensya. Walang ibang maririnig sa bibig nila kundi puro pagmamalaki at pamimintas. Hindi uso sa kanila ang matuwa sa tagumpay ng iba. Para sa kanila sila lang ang da best!

2. REKLAMADOR

Hotdog na naman? Monday na naman? Ang sikip naman! Nautusan pa! Anu bang buhay toh! Ako na naman? Ang mga bibig ay naka-unli sa pagsambit ng sangkatutak na reklamo! mabuti pa nga ang tinapay nag-eexpire! Ang mga reklamo nya walang expiration! Mapaghanap, mapag-comment, mapag-turo! Wala kang ibang maririnig sa mga bibig nila (samahan pa ng mukhang nakabusangot) kundi mga reklamong hindi mo alam kung saan nila hinuhugot! Sila yung mga taong napakagaling mag-reklamo pero ubod naman ng tamad para mag-involve at maging solusyon sa nirereklamo nila. Active mag-reklamo, inactive umaksyon!

3. GALITERA/GALITERO

Konting kibot galit. Konting constructive criticism, defensive. Laging naka-singhal, laging soprano ang tono ng boses, laging nakasigaw na akala mo ang kausap nya ay nasa kabilang dulo ng daigdig! Kung magalit wagas! Daig pa ang mga dumadanas ng menopausal period! But wait there’s more! bukod sa ubod ng bilis nya magalit at ma-offend, asahan mong aalagaan nya ang galit nya sayo hanggang sa maging hatred at bitterness ito, hanggang sa dumako sya sa kanyang huling hantungan! O diba? Ang hard!

4. PROBLEMADO

Mula sa pagmulat ng kanyang mga mata sa umaga hanggang sa pagpikit ng mga mata nya sa gabi, walang ibang laman ang isip nya kundi ang mga problema nya sa buhay, sa bahay, sa trabaho, sa school, sa church, sa pera, sa pagkain, sa buhok at kung saan saan pa! Nakatutok sa laki ng problema at hindi sa laki ng DIOS na kayang-kaya lumutas ng mga problema nya. Kahit hindi sila magsalita, mabilis mo silang ma-rerecognize, dahil bakas na bakas sa mga mukha nila ang mga problemang dinidibdib nila ng bonggang bongga!

Mahirap madikit sa mga taong #NEGAMUCH, pero mas mahirap maging #NEGAMUCH. Walang kasiyahan sa buhay, puro lumbay. Maiksi lang ang buhay para maging #NEGAMUCH. Tandaan, happiness is a choice. Pwede mong piliin maging kuntento kaysa maging mapaghanap at mapagkumpara. Piliin mong magkaroong ng attitude na laging nagpapasalamat kaysa maging ungrateful. Piliin mong magpatawad, mababa ang loob at mahinahon kaysa maging magagalitin. Piliin mong laging tignan ang bright side ng situation mo kaysa magmaktol at tumutok sa dark side. Lagi mong hanapin at tangkilikin ang POSITIVE side ng buhay.  Siguraduhin mong maayos ang kondisyon ng puso mo, sapagkat kung anu ang laman ng puso mo, syang laman ng bibig mo at syang makikita sa mga kilos mo.

Above all else, guard your heart, for everything you do flows from it.

Proverbs 4:23

Higit sa lahat kumonek ka sa DIOS, as in yung intimate connection. Ito ang natatanging susi para hindi ka maging #NEGAMUCH.

img_4583

img_4581

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *