Huling Hantungan sa Ukayan

Fan na fan ako ng ukay-ukay. Dalaga palang ako hilig ko ng mag-shopping dito. Nung nasa Novaliches pa ‘ko, madalas ako bumisita sa sangkatutak na tindahan ng ukay-ukay. Nagalugad ko na ata lahat ng ukayan dun. Kahit nasaang lugar ako —Baguio, Hongkong at kahit sa Canada, hanap-hanap ko ang mga ukay-ukay/thrift store. Main attraction ito para sa’kin. Pag sinilip mo ang aparador at sapatusan ko 90% dun nabili sa ukay-ukay. Kaya naman masasabi kong isa akong ganap na UKAYERA. Nakaka-amaze lang kasi dahil suuuuuuper daming pagpipilian. As in mangingitim ang kamay mo sa kakahawi ng libo-libong damit. Dumating na nga sa point na namutla nako kakapili! Lahat ng klase ng damit, sapatos at bag andun na. Di nako bumili ng fake, nakamura pa ko, tapos branded pa!

img_3122

Nawala lang ang bisyo ko sa pag-uukay nung nag-asawa ako. Nakapangasawa kasi ko ng lalaking mataas ang standard! Haha lalaking bibilhan ako ng brand new at branded na mga gamit at damit. Hindi sya mayaman, sadyang ganun nalang ang pagpapahalaga nya sakin na hindi ko daw deserve ang second hand. Nung una di ko maatim, kasi di talaga ako fan ng mga damit at gamit na lagpas P300. Expensive na sakin yun!

Nung isang araw na lumabas ako para magbayad ng mga bills, may nakita akong ukay-ukay sa kanto. Nagningning ang aking mga mata at tila baga’y muling nanumbalik ang interes ko sa ukay-ukay. Sa madaling salita, umuwi akong may dalang supot na puno ng damit! Magkano nagastos ko? P200.00 para sa sampung pirasong damit (P20 isa)! O diba? Para lang akong bumili ng Cornetto! Mahal pa ang magnum!

img_3115

Yan ang highlight ng window shopping experience ko! Binili ko yan kasi akala ko palda. Aba paguwi ko nakita ko tube dress pala sya at ZARA Basic pa ang tatak! Wala akong ZARA na damit pero alam kong branded ito at medyo pricey. Kaya sa sobrang curious ko kung magkano ang natipid ko pilit kong hinanap sa internet ang estimate price ng mga ZARA tube dress at ito ang nakita ko…

img_3117

Wow! Libo pala talaga ang presyo ng damit na yun! Di ko akalaing kahalo at kapresyo na lang nya ngayon ang tshirt na may tatak na “Vote for Mayor ‘toot’”, Uniform ng McDo, at Cycling Shorts. Matapos maisuot, mairampa, maternuhan ng mamahaling alahas, ma-picturan ng mamahaling camera at masinagan ng spotlight ang mamahaling damit na ito, dumako na rin sya sa kanyang huling hantungan.. UKAY-UKAY, at ang hatol ng tindera? BENTE PESOS! All items for P20!

Naisip ko lang, pag dumako na tayo sa ating huling hantungan, wala naman tayong maisasama sa kabaong at hukay na paglilibingan sa atin. Ang mga diploma, titulo ng lupa, gadgets, passbook at bank accounts, kotse, photo album ng selfies at kung anu-anu pang ari-arian, lahat yun di natin madadala sa kabilang buhay. Kahit ang damit na suot mo sa burol mo di mo rin madadala! Pag namatay ka na maalala pa ba nilang ang galing galing mo sa Math? Na fluent ka mag-English at mag-French? Na ikaw ang may pinaka-makinis na kutis at tuwid na buhok? Na ikaw na ang madaming title (ph degree, doctorate degree pati na pedigree!)? Na ikaw may ari ng isang dosenang kotse? Na may mala-mansyon kang tirahan? Di na maalala ng mga tao yun. Hindi ko sinasabing masama ang mga bagay na ito, ngunit hindi dapat ito ang ultimate goal ng buhay natin. Sapagkat ang tiyak na maalala ng mga tao ay kung paano ka naging pagpapala sa kanila; kung paano ka nabuhay ng tapat at matuwid; kung paano mo minahal ang Dios, pamilya, kaibigan, katrabaho, kapitbahay at lahat ng nakapaligid sayo. Yan ang ala-alang maiiwan sa kanilang mga puso at isip.

Tulad ng mga damit sa ukay-ukay, siguradong dadako rin tayo sa ating huling hantungan. Di natin alam kung kailan. Pwedeng after 48years or pwedeng now na. Hahatulan din tayo hindi ng tindera kundi ng DIOS na nakakakita sa atin mula pa man sa sinapupunan ng ating mga ina. Hindi pa huli ang lahat para masigurado mong hindi lang ang iyong huling hantungan ang iyong pinaghahandaan kundi ang iyong buhay sa kawalang-hanggan.

For I am already being poured out as a drink offering, and the time of my departure has come. I have fought the good fight, I have finished the race, I have kept the faith. Henceforth there is laid up for me the crown of righteousness, which the Lord, the righteous judge, will award to me on that Day, and not only to me but also to all who have loved his appearing. 

2 Timothy 4:6-8English Standard Version (ESV) .

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *